| 1 | Nang magkagayo'y sumagot si Zophar na Naamathita, at nagsabi, |
| 2 | Kaya't nagbibigay sagot sa akin ang aking mga pagiisip, dahil nga sa aking pagmamadali na taglay ko. |
| 3 | Aking narinig ang saway na inilalagay ako sa kahihiyan, at ang diwa ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin. |
| 4 | Hindi mo ba nalalaman ito ng una, mula nang ang tao'y malagay sa lupa, |
| 5 | Na ang pagtatagumpay ng masama ay maikli, at ang kagalakan ng di banal ay sandali lamang? |
| 6 | Bagaman ang kaniyang karilagan ay napaiilanglang hanggang sa langit, at ang kaniyang ulo ay umaabot hanggang sa mga alapaap; |
| 7 | Gayon may matutunaw siya magpakailan man, na gaya ng kaniyang sariling dumi: silang nangakakita sa kaniya ay mangagsasabi: Nasaan siya? |
| 8 | Siya'y mawawala na gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan. Oo, siya'y mawawala na parang pangitain sa gabi. |
| 9 | Ang mata na nakakita sa kaniya ay hindi na siya makikita pa; ni mamamalas pa man siya sa kaniyang pook. |
| 10 | Hahanapin ng kaniyang mga anak ang lingap ng dukha, at ang kaniyang mga kamay ay magsasauli ng kaniyang kayamanan. |
| 11 | Ang kaniyang mga buto ay puspos ng kaniyang kabataan, nguni't hihiga na kasama niya sa alabok. |
| 12 | Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kaniyang bibig, bagaman kaniyang itago sa ilalim ng kaniyang dila; |
| 13 | Bagaman kaniyang patawarin, at hindi niya ito babayaan, kundi ingatan pa sa loob ng kaniyang bibig; |
| 14 | Gayon ma'y ang kaniyang pagkain ay nabago na sa kaniyang tiyan, siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya. |
| 15 | Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kaniyang mga isusuka uli: mga aalisin uli ng Dios sa kaniyang tiyan. |
| 16 | Kaniyang hihititin ang kamandag ng mga ahas; papatayin siya ng dila ng ulupong. |
| 17 | Hindi niya matitingnan ang mga ilog, ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya. |
| 18 | Na kaniyang isasauli ang kaniyang pinagpagalan, at hindi lalamunin; ayon sa pag-aari na kaniyang tinangkilik, hindi siya magagalak. |
| 19 | Sapagka't kaniyang pinighati at pinabayaan ang dukha; kaniyang kinuhang marahas ang isang bahay; at hindi niya itatayo. |
| 20 | Sapagka't hindi siya nakakilala ng katiwasayan sa loob niya, hindi siya makapagliligtas ng anoman sa kaniyang kinaluluguran. |
| 21 | Walang bagay na naiwan na hindi niya sinakmal; kaya't ang kaniyang kaginhawahan ay hindi mananatili. |
| 22 | Sa lubos niyang kasaganaan ay magigipit siya; ang kamay ng bawa't nasa karalitaan ay darating sa kaniya. |
| 23 | Pagka kaniyang bubusugin ang kaniyang tiyan, ihuhulog ng Dios ang kaniyang mabangis na poot sa kaniya. At ibubugso sa kaniya samantalang siya'y kumakain. |
| 24 | Kaniyang tatakasan ang sandatang bakal, at ang busog na tanso ay hihilagpos sa kaniya. |
| 25 | Binubunot niya ang pana, at lumalabas sa kaniyang katawan: Oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa kaniyang apdo; mga kakilabutan ang sumasa kaniya. |
| 26 | Lahat na kadiliman ay nalalagay na mga pinakakayamanan niya; isang apoy na hindi hinipan ng tao ay susupok sa kaniya: susupukin niyaon ang naiwan sa kaniyang tolda. |
| 27 | Ihahayag ng mga langit ang kaniyang kasamaan, at ang lupa ay babangon laban sa kaniya. |
| 28 | Ang pakinabang ng kaniyang bahay ay yayaon, ang kaniyang mga pag-aari ay huhuho sa kaarawan ng kaniyang kapootan. |
| 29 | Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Dios, at ang manang takda sa kaniya ng Dios. |