| 1 | Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan. |
| 2 | At si Job ay sumagot, at nagsabi, |
| 3 | Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi. |
| 4 | Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag. |
| 5 | Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw. |
| 6 | Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan. |
| 7 | Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig. |
| 8 | Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya. |
| 9 | Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni't huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga: |
| 10 | Sapagka't hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata. |
| 11 | Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina? |
| 12 | Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin? |
| 13 | Sapagka't ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana'y nakakatulog; na napapahinga ako: |
| 14 | Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila; |
| 15 | O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak: |
| 16 | O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag. |
| 17 | Doo'y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo'y nagpapahinga ang pagod. |
| 18 | Doo'y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag. |
| 19 | Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon. |
| 20 | Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan; |
| 21 | Na naghihintay ng kamatayan, nguni't hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago; |
| 22 | Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan? |
| 23 | Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios? |
| 24 | Sapagka't nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig. |
| 25 | Sapagka't ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin. |
| 26 | Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating. |