| 1 | Ako'y nakipagtipan sa aking mga mata; paano nga akong titingin sa isang dalaga? |
| 2 | Sapagka't ano ang bahagi sa ganang akin sa Dios mula sa itaas, at ang mana sa Makapangyarihan sa lahat mula sa kaitaasan? |
| 3 | Hindi ba kasakunaan sa liko, at kasawiang palad sa mga manggagawa ng kasamaan? |
| 4 | Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad, at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang? |
| 5 | Kung ako'y lumakad na walang kabuluhan, at ang aking paa ay nagmadali sa pagdaraya; |
| 6 | (Timbangin ako sa matuwid na timbangan, upang mabatid ng Dios ang aking pagtatapat;) |
| 7 | Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan, at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata, at kung ang anomang dungis ay kumapit sa aking mga kamay: |
| 8 | Kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang kanin ng iba; Oo, bunutin ang bunga ng aking bukid. |
| 9 | Kung ang aking puso ay napadaya sa babae, at ako'y bumakay sa pintuan ng aking kapuwa: |
| 10 | Kung magkagayo'y iba ang ipaggiling ng aking asawa, at iba ang yumuko sa kaniya. |
| 11 | Sapagka't iya'y isang mabigat na sala; Oo, isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom: |
| 12 | Sapagka't isang apoy na namumugnaw hanggang sa pagkapahamak, at bubunutin ang lahat ng aking bunga. |
| 13 | Kung hinamak ko ang katuwiran ng aking aliping lalake o aliping babae, nang sila'y makipagtalo sa akin: |
| 14 | Ano nga ang aking gagawin pagka bumabangon ang Dios? At pagka kaniyang dinadalaw, anong isasagot ko sa kaniya? |
| 15 | Hindi ba siyang lumalang sa akin sa bahay-bata ang lumalang sa kaniya; at hindi ba iisa ang humugis sa atin sa bahay-bata? |
| 16 | Kung pinagkaitan ko ang dukha sa kanilang nasa, o pinangalumata ko ang mga mata ng babaing bao: |
| 17 | O kumain akong magisa ng aking subo, at ang ulila ay hindi kumain niyaon; |
| 18 | (Hindi, mula sa aking kabataan ay lumaki siyang kasama ko, na gaya ng may isang ama, at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng aking ina;) |
| 19 | Kung ako'y nakakita ng sinomang nangangailangan ng kasuutan, o ng mapagkailangan ng walang kumot; |
| 20 | Kung hindi ako pinagpala ng kaniyang mga balakang, at kung siya'y hindi nainitan ng balahibo ng aking mga tupa: |
| 21 | Kung binuhat ko ang aking kamay laban sa ulila, sapagka't nakita ko ang tulong sa akin sa pintuang-bayan: |
| 22 | Kung nagkagayo'y malaglag ang aking balikat sa abot-agawin, at ang aking kamay ay mabali sa buto. |
| 23 | Sapagka't ang kasakunaang mula sa Dios ay kakilabutan sa akin, at dahil sa kaniyang karilagan ay wala akong magawa. |
| 24 | Kung aking pinapaging ginto ang aking pagasa, at sinabi ko sa dalisay na ginto, ikaw ay aking tiwala; |
| 25 | Kung ako'y nagalak sapagka't ang aking kayamanan ay malaki, at sapagka't ang aking kamay ay nagtamo ng marami; |
| 26 | Kung ako'y tumingin sa araw pagka sumisikat, o sa buwan na lumalakad sa kakinangan; |
| 27 | At ang aking puso ay napadayang lihim, at hinagkan ng aking bibig ang aking kamay: |
| 28 | Ito may isang kasamaang marapat parusahan ng mga hukom: sapagka't itinakuwil ko ang Dios na nasa itaas. |
| 29 | Kung ako'y nagalak sa kasakunaan niyaong nagtatanim ng loob sa akin, o nagmataas ako ng datnan siya ng kasamaan; |
| 30 | (Oo, hindi ko tiniis ang aking bibig sa kasalanan sa paghingi ng kaniyang buhay na may sumpa;) |
| 31 | Kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi, sinong makakasumpong ng isa na hindi nabusog sa kaniyang pagkain? |
| 32 | Ang taga ibang lupa ay hindi tumigil sa lansangan; kundi aking ibinukas ang aking mga pinto sa manglalakbay, |
| 33 | Kung aking tinakpan na gaya ni Adan ang aking mga pagsalangsang, sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan; |
| 34 | Sapagka't aking kinatakutan ang lubhang karamihan, at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan. Na anopa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan? |
| 35 | O mano nawang may duminig sa akin! (Narito ang aking tala, sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat;) At mano nawang magkaroon ako ng sumbong na isinulat ng aking kaaway! |
| 36 | Tunay na aking papasanin ito sa aking balikat; aking itatali sa akin na gaya ng isang putong. |
| 37 | Aking ipahahayag sa kaniya ang bilang ng aking mga hakbang, gaya ng isang pangulo na lalapitan ko siya. |
| 38 | Kung ang aking lupa ay humiyaw laban sa akin, at ang mga bungkal niyaon ay umiyak na magkakasama; |
| 39 | Kung kumain ako ng bunga niyaon na walang bayad, o ipinahamak ko ang buhay ng mga may-ari niyaon: |
| 40 | Tubuan ng dawag sa halip ng trigo, at ng mga masamang damo sa halip ng cebada. Ang mga salita ni Job ay natapos. |