| 1 | Nang magkagayo'y sumagot si Job at nagsabi, |
| 2 | Oh timbangin nawa ang aking pagkainip, at ang aking mga kasakunaan ay malagay sa mga timbangan na magkakasama. |
| 3 | Sapagka't ngayo'y magiging lalong mabigat kay sa buhangin sa mga dagat: kaya't ang aking pananalita ay napabigla. |
| 4 | Sapagka't ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasasaksak sa akin, ang lason niyaon ay hinitit ng aking diwa; ang mga pangkilabot ng Dios ay nangahahanay laban sa akin. |
| 5 | Umuungal ba ang mailap na asno pag may damo? O umuungal ba ang baka sa kaniyang pagkain? |
| 6 | Makakain ba ng walang asin ang matabang? O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog? |
| 7 | Tinatanggihang hipuin ng aking kaluluwa; mga karumaldumal na pagkain sa akin. |
| 8 | Oh mangyari nawa ang aking kahilingan; at ipagkaloob nawa sa akin ng Dios ang bagay na aking minimithi! |
| 9 | Sa makatuwid baga'y kalugdan nawa ng Dios na pisain ako; na bitawan ang kaniyang kamay, at ihiwalay ako! |
| 10 | Kung magkagayo'y magtataglay pa ako ng kaaliwan; Oo, ako'y makapagbabata sa mga walang awang sakit; sapagka't hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal. |
| 11 | Ano ang aking lakas, na ako'y maghihintay? At ano ang aking wakas na ako'y magtitiis? |
| 12 | Ang akin bang tibay ay tibay ng mga bato? O ang akin bang laman ay tanso? |
| 13 | Di ba ako'y walang sukat na kaya, at ang karunungan ay lumayo sa akin? |
| 14 | Siyang nanglulupaypay ay dapat pagpakitaang loob ng kaniyang kaibigan; kahit siya na walang takot sa Makapangyarihan sa lahat. |
| 15 | Ang aking mga kapatid ay nagsipagdaya na parang batis, na parang daan ng mga batis na nababago; |
| 16 | Na malabo dahil sa hielo, at siyang kinatunawan ng nieve: |
| 17 | Paginit ay nawawala: pagka mainit, ay nangatutunaw sa kanilang dako. |
| 18 | Ang mga pulutong na naglalakbay sa pagsunod sa mga yaon ay nangaliligaw; nagsisilihis sa ilang at nawawala. |
| 19 | Minasdan ng mga pulutong na mula sa Tema, hinintay ang mga yaon ng mga pulutong na mula sa Seba. |
| 20 | Sila'y nangapahiya, sapagka't sila'y nagsiasa; sila'y nagsiparoon at nangatulig. |
| 21 | Sapagka't ngayon, kayo'y nauwi sa wala; kayo'y nangakakakita ng kakilabutan, at nangatatakot. |
| 22 | Sinabi ko baga: Bigyan mo ako? O, Maghandog ka ng isang kaloob sa akin ng iyong pag-aari? |
| 23 | O, Iligtas mo ako sa kamay ng kaaway? O, tubusin mo ako sa kamay ng mga namimighati? |
| 24 | Turuan mo ako, at ako'y mamamayapa; at ipaunawa mo sa akin kung ano ang aking pinagkasalahan. |
| 25 | Pagkatindi nga ng mga salita ng katuwiran! Nguni't anong sinasaway ng iyong pakikipagtalo? |
| 26 | Iniisip ba ninyong sumaway ng mga salita? Dangang ang mga salita ng walang inaasahan ay parang hangin. |
| 27 | Oo, kayo'y magsasapalaran sa ulila, at ginawa ninyong kalakal ang inyong kaibigan. |
| 28 | Ngayon nga'y kalugdan mong lingapin ako; sapagka't tunay na hindi ako magbubulaan sa iyong harap. |
| 29 | Kayo'y magsibalik isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kalikuan; Oo, kayo'y magsibalik uli, ang aking usap ay matuwid. |
| 30 | May di ganap ba sa aking dila? Hindi ba makapapansin ang aking pagwawari ng mga suwail na bagay? |