| 1 | Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi, |
| 2 | Sa katotohanan ay nalalaman kong ito'y gayon: nguni't paanong makapaggaganap ang tao sa Dios? |
| 3 | Kung kalugdan niyang makipagtalo sa kaniya, siya'y hindi makasasagot sa kaniya ng isa sa isang libo. |
| 4 | Siya ay pantas sa puso, at may kaya sa kalakasan: sinong nagmatigas laban sa kaniya at guminhawa? |
| 5 | Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nalalaman, pagka nililiglig niya sa kaniyang pagkagalit. |
| 6 | Na siyang umuuga ng lupa sa kaniyang kinaroroonan, at ang mga haligi nito ay nangayayanig. |
| 7 | Na siyang naguutos sa araw, at hindi sumisikat; at nagtatakda sa mga bituin. |
| 8 | Na nagiisang inuunat ang langit, at tumutungtong sa mga alon ng dagat. |
| 9 | Na lumikha sa Oso, sa Orion, at sa mga Pleyade, at sa mga silid ng timugan. |
| 10 | Na gumagawa ng mga dakilang bagay na di masayod; Oo, mga kamanghamanghang bagay na walang bilang. |
| 11 | Narito, siya'y dumaraan sa siping ko, at hindi ko siya nakikita: siya'y nagpapatuloy rin naman, nguni't hindi ko siya namamataan. |
| 12 | Narito, siya'y nangangagaw sinong makasasansala sa kaniya? Sinong magsasabi sa kaniya: Anong ginagawa mo? |
| 13 | Hindi iuurong ng Dios ang kaniyang galit; ang mga manunulong sa Rahab ay nagsisiyukod sa ilalim niya. |
| 14 | Gaano pa nga kaya kaliit ang maisasagot ko sa kaniya, at mapipiling aking mga salita na maimamatuwid ko sa kaniya? |
| 15 | Na kahiman ako'y matuwid, gayon may hindi ako sasagot sa kaniya; ako'y mamamanhik sa aking hukom. |
| 16 | Kung ako'y tumawag, at siya'y sumagot sa akin; gayon ma'y hindi ako maniniwala na kaniyang dininig ang aking tinig. |
| 17 | Sapagka't ako'y ginigiba niya sa pamamagitan ng isang bagyo, at pinararami ang aking mga sugat ng walang kadahilanan. |
| 18 | Hindi niya ako tutulutang ako'y huminga, nguni't nililipos niya ako ng hirap. |
| 19 | Kung kami ay magsalita tungkol sa kalakasan, narito, siya'y may kapangyarihan! At kung sa kahatulan, sino, sinasabi niya ay magtatakda sa akin ng panahon? |
| 20 | Kahiman ako'y matuwid, ang aking sariling bibig ay hahatol sa akin: kahiman ako'y sakdal patototohanan niya akong masama. |
| 21 | Ako'y sakdal; hindi ko talos ang aking sarili; aking niwalang kabuluhan ang aking buhay. |
| 22 | Lahat ay isa; kaya't aking sinasabi: kaniyang ginigiba ang sakdal at ang masama. |
| 23 | Kung ang panghampas ay pumapatay na bigla, tatawanan niya ang paglilitis sa mga walang sala. |
| 24 | Ang lupa ay nabigay sa kamay ng masama: kaniyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito; kung hindi siya, sino nga? |
| 25 | Ngayo'y ang mga kaarawan ko ay matulin kay sa isang sugo: dumadaang matulin, walang nakikitang mabuti. |
| 26 | Sila'y nagsisidaang parang mga matuling sasakyan: parang agila na dumadagit ng huli. |
| 27 | Kung aking sabihin: Aking kalilimutan ang aking daing, aking papawiin ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako: |
| 28 | Ako'y natatakot sa lahat kong kapanglawan, talastas ko na hindi mo aariin akong walang sala. |
| 29 | Ako'y mahahatulan; bakit nga ako gagawa ng walang kabuluhan? |
| 30 | Kung ako'y maligo ng nieveng tubig, at gawin ko ang aking mga kamay na napakalinis; |
| 31 | Gayon ma'y itutulak mo ako sa hukay, at kayayamutan ako ng aking mga sariling kasuutan. |
| 32 | Sapagka't siya'y hindi tao, na gaya ko, na sasagot ako sa kaniya, na tayo'y pumasok kapuwa sa kahatulan, |
| 33 | Walang hukom sa pagitan natin, na makapaglagay ng kaniyang kamay sa ating dalawa. |
| 34 | Ihiwalay niya sa akin ang kaniyang tungkod, at huwag akong takutin ng kaniyang pangilabot: |
| 35 | Kung magkagayo'y magsasalita ako, at hindi matatakot sa kaniya; sapagka't hindi gayon ako sa aking sarili. |