| 1 | Purihin ninyo ang Panginoon. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. |
| 2 | Sinong makapagbabadya ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon, o makapagpapakilala ng buo niyang kapurihan? |
| 3 | Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon. |
| 4 | Alalahanin mo ako, Oh Panginoon, ng lingap na iyong ipinagkaloob sa iyong bayan; Oh dalawin mo ako ng iyong pagliligtas: |
| 5 | Upang makita ko ang kaginhawahan ng iyong hirang, upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana. |
| 6 | Kami ay nangagkasala na kasama ng aming mga magulang, kami ay nangakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama. |
| 7 | Hindi naunawa ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Egipto; hindi nila inalaala ang karamihan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naging mapanghimagsik sa dagat, sa makatuwid baga'y sa Dagat na Mapula. |
| 8 | Gayon ma'y iniligtas niya sila dahil sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipabatid ang kaniyang matibay na kapangyarihan. |
| 9 | Kaniyang sinaway naman ang Dagat na Mapula, at natuyo: sa gayo'y pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, na parang ilang. |
| 10 | At iniligtas niya sila sa kamay ng nangagtatanim sa kanila, at tinubos niya sila sa kamay ng kaaway. |
| 11 | At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway: walang nalabi sa kanila kahit isa. |
| 12 | Nang magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kaniyang mga salita; inawit nila ang kaniyang kapurihan. |
| 13 | Nilimot nilang madali ang kaniyang mga gawa; hindi sila naghintay sa kaniyang payo: |
| 14 | Kundi nagnais ng di kawasa sa ilang, at tinukso ang Dios sa ilang. |
| 15 | At binigyan niya sila ng kanilang hiling; nguni't pinangayayat ang kanilang kaluluwa. |
| 16 | Kanilang pinanaghilian naman si Moises sa kampamento, at si Aaron na banal ng Panginoon. |
| 17 | Ang lupa ay bumuka, at nilamon si Dathan, at tinakpan ang pulutong ni Abiram. |
| 18 | At apoy ay nagningas sa kanilang pulutong; sinunog ng liyab ang mga masama, |
| 19 | Sila'y nagsigawa ng guya sa Horeb, at nagsisamba sa larawang binubo. |
| 20 | Ganito nila pinapagbago ang kanilang kaluwalhatian sa wangis ng baka na kumakain ng damo. |
| 21 | Nilimot nila ang Dios na kanilang tagapagligtas, na gumawa ng mga dakilang bagay sa Egipto; |
| 22 | Kagilagilalas na mga gawa sa lupain ng Cham, at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Mapula. |
| 23 | Kaya't sinabi niya, na kaniyang lilipulin sila, kung si Moises na kaniyang hirang ay hindi humarap sa kaniya sa bitak, upang pawiin ang kaniyang poot, upang huwag niyang lipulin sila. |
| 24 | Oo, kanilang hinamak ang maligayang lupain, hindi nila sinampalatayanan ang kaniyang salita; |
| 25 | Kundi nangagsiungol sa kanilang mga tolda, at hindi nangakinig sa tinig ng Panginoon. |
| 26 | Kaya't kaniyang isinumpa sa kanila, na kaniyang ibubulid sila sa ilang: |
| 27 | At kaniyang ibubulid ang kanilang binhi sa mga bansa, at pangalatin sila sa mga lupain. |
| 28 | Sila'y nangakilakip naman sa diosdiosang Baal-peor, at nagsikain ng mga hain sa mga patay. |
| 29 | Ganito minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga gawa; at ang salot ay lumitaw sa kanila. |
| 30 | Nang magkagayo'y tumayo si Phinees, at gumawa ng kahatulan: at sa gayo'y tumigil ang salot. |
| 31 | At nabilang sa kaniya na katuwiran, sa lahat ng sali't saling lahi magpakailan man. |
| 32 | Kanilang ginalit din siya sa tubig ng Meriba, na anopa't naging masama kay Moises dahil sa kanila: |
| 33 | Sapagka't sila'y mapanghimagsik laban sa kaniyang diwa, at siya'y nagsalita ng walang pakundangan ng kaniyang mga labi. |
| 34 | Hindi nila nilipol ang mga bayan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanila; |
| 35 | Kundi nangakihalo sa mga bansa, at nangatuto ng kanilang mga gawa: |
| 36 | At sila'y nangaglingkod sa kanilang mga diosdiosan; na naging silo sa kanila: |
| 37 | Oo, kanilang inihain ang kanilang mga anak na lalake at babae sa mga demonio, |
| 38 | At nagbubo ng walang salang dugo, sa makatuwid baga'y ng dugo ng kanilang mga anak na lalake at babae, na kanilang inihain sa diosdiosan ng Canaan; at ang lupain ay nadumhan ng dugo. |
| 39 | Ganito sila nagpakahawa sa kanilang mga gawa, at nagsiyaong nagpakarumi sa kanilang mga gawa. |
| 40 | Kaya't nagalab ang pagiinit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at kinayamutan niya ang kaniyang pamana. |
| 41 | At ibinigay niya sila sa kamay ng mga bansa; at silang nangagtatanim sa kanila ay nangagpuno sa kanila. |
| 42 | Pinighati naman sila ng kanilang mga kaaway, at sila'y nagsisuko sa kanilang kamay. |
| 43 | Madalas na iligtas niya sila; nguni't sila'y mapanghimagsik sa kanilang payo, at nangababa sila sa kanilang kasamaan. |
| 44 | Gayon ma'y nilingap niya ang kanilang kahirapan, nang kaniyang marinig ang kanilang daing: |
| 45 | At kaniyang inalaala sa kanila ang kaniyang tipan, at nagsisi ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob. |
| 46 | Ginawa naman niyang sila'y kaawaan niyaong lahat na nangagdalang bihag sa kanila. |
| 47 | Iligtas mo kami, Oh Panginoon naming Dios, at pisanin mo kami na mula sa mga bansa, upang mangagpasalamat sa iyong banal na pangalan, at mangagtagumpay sa iyong kapurihan. |
| 48 | Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. At sabihin ng buong bayan, Siya nawa. Purihin ninyo ang Panginoon. |