| 1 | Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. |
| 2 | Magsabi ngayon ang Israel, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. |
| 3 | Magsabi ngayon ang sangbahayan ni Aaron, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. |
| 4 | Mangagsabi ngayon ang nangatatakot sa Panginoon, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. |
| 5 | Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon: sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako. |
| 6 | Ang Panginoon ay kakampi ko; hindi ako matatakot: anong magagawa ng tao sa akin? |
| 7 | Ang Panginoon ay kakampi ko sa gitna nila na nagsisitulong sa akin: kaya't makikita ko ang nasa ko sa kanila na nangagtatanim sa akin. |
| 8 | Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa tao. |
| 9 | Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa mga pangulo. |
| 10 | Kinubkob ako ng lahat ng mga bansa sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila. |
| 11 | Kanilang kinubkob ako sa palibot; oo, kanilang kinubkob ako sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila. |
| 12 | Kanilang kinubkob ako sa palibot na parang mga pukyutan: sila'y nangamatay na parang apoy ng mga dawag: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila. |
| 13 | Itinulak mo akong bigla upang ako'y mabuwal: nguni't tulungan ako ng Panginoon. |
| 14 | Ang Panginoon ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan. |
| 15 | Ang tinig ng kagalakan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid: ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang. |
| 16 | Ang kanan ng Panginoon ay nabunyi; ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang. |
| 17 | Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay, at magpapahayag ng mga gawa ng Panginoon. |
| 18 | Pinarusahan akong mainam ng Panginoon; nguni't hindi niya ako ibinigay sa kamatayan. |
| 19 | Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran; aking papasukan, ako'y magpapasalamat sa Panginoon. |
| 20 | Ito'y siyang pintuan ng Panginoon; papasukan ng matuwid. |
| 21 | Ako'y magpapasalamat sa iyo, sapagka't sinagot mo ako! At ikaw ay naging aking kaligtasan. |
| 22 | Ang bato na itinakuwil ng nangagtayo ng bahay ay naging pangulo sa sulok. |
| 23 | Ito ang gawa ng Panginoon: kagilagilalas sa harap ng ating mga mata. |
| 24 | Ito ang araw na ginawa ng Panginoon; tayo'y mangagagalak at ating katutuwaan. |
| 25 | Magligtas ka ngayon, isinasamo namin sa iyo, Oh Panginoon: Oh Panginoon, isinasamo namin sa iyo, magsugo ka ngayon ng kaginhawahan. |
| 26 | Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon: aming pinuri kayo mula sa bahay ng Panginoon. |
| 27 | Ang Panginoon ay Dios, at binigyan niya kami ng liwanag; talian ninyo ang hain ng mga panali, sa makatuwid baga'y sa mga tila sungay ng dambana. |
| 28 | Ikaw ay aking Dios, at magpapasalamat ako sa iyo: ikaw ay aking Dios, aking ibubunyi ka. |
| 29 | Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. |