| 1 | Ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan, Oh Panginoon; at sa iyong pagliligtas gaano kalaki ang ikagagalak niya! |
| 2 | Ibinigay mo sa kaniya ang nais ng kaniyang puso, at hindi mo ikinait ang hiling ng kaniyang mga labi. (Selah) |
| 3 | Sapagka't iyong sinalubong siya ng mga kapalaran na kabutihan: iyong pinuputungan ng isang putong na dalisay na ginto ang kaniyang ulo. |
| 4 | Siya'y humingi ng buhay sa iyo, iyong binigyan siya; pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man. |
| 5 | Ang kaniyang kaluwalhatian ay dakila sa iyong pagliligtas: karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya. |
| 6 | Sapagka't ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailan man: iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan. |
| 7 | Sapagka't ang hari ay tumitiwala sa Panginoon, at sa kagandahang-loob ng Kataastaasan ay hindi siya makikilos. |
| 8 | Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway: masusumpungan ng iyong kanan yaong mga nangagtatanim sa iyo. |
| 9 | Iyong gagawin sila na gaya ng mainit na hurno sa panahon ng iyong galit. Sasakmalin sila ng Panginoon sa kaniyang poot, at susupukin sila ng apoy. |
| 10 | Ang kanilang bunga ay iyong lilipulin mula sa lupa, at ang kanilang binhi ay mula sa gitna ng mga anak ng mga tao. |
| 11 | Sapagka't sila'y nagakala ng kasamaan laban sa iyo: sila'y nagpanukala ng lalang na hindi nila maisasagawa. |
| 12 | Sapagka't iyong patatalikurin sila, ikaw ay maghahanda ng iyong mga bagting ng busog laban sa mukha nila. |
| 13 | Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan: sa gayo'y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan. |