| 1 | Sa iyo, Oh Panginoon, iginagawad ko ang aking kaluluwa. |
| 2 | Oh Dios ko sa iyo'y tumiwala ako, huwag nawa akong mapahiya; huwag nawang magtagumpay sa akin ang aking mga kaaway. |
| 3 | Oo, walang naghihintay sa iyo na mapapahiya; sila'y mangapapahiya na nagsisigawa ng karayaan ng walang kadahilanan, |
| 4 | Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. |
| 5 | Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin; sapagka't ikaw ay Dios ng aking kaligtasan; sa iyo'y naghihintay ako buong araw. |
| 6 | Iyong alalahanin, Oh Panginoon, ang iyong malumanay na mga kaawaan, at ang iyong mga kagandahang-loob; sapagka't magpakailan man mula ng una. |
| 7 | Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsalangsang: ayon sa iyong kagandahang-loob ay alalahanin mo ako, dahil sa iyong kabutihan, Oh Panginoon. |
| 8 | Mabuti at matuwid ang Panginoon: kaya't tuturuan niya ang mga makasalanan sa daan. |
| 9 | Ang maamo ay papatnubayan niya sa kahatulan: at ituturo niya sa maamo ang daan niya. |
| 10 | Lahat na landas ng Panginoon ay kagandahang-loob at katotohanan sa mga gayon na nangagiingat ng kaniyang tipan at kaniyang mga patotoo. |
| 11 | Dahil sa iyong pangalan, Oh Panginoon, iyong ipatawad ang aking kasamaan, sapagka't malaki. |
| 12 | Anong tao siya na natatakot sa Panginoon? Siya ang tuturuan niya ng daan na kaniyang pipiliin. |
| 13 | Ang kaniyang kaluluwa ay tatahan sa kaginhawahan; at mamanahin ng kaniyang binhi ang lupain. |
| 14 | Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya; at ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan. |
| 15 | Ang aking mga mata ay palaging na sa Panginoon; sapagka't huhugutin niya ang aking mga paa sa silo. |
| 16 | Panumbalikan mo ako, at maawa ka sa akin; sapagka't ako'y nag-iisa at nagdadalamhati. |
| 17 | Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki: Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan. |
| 18 | Gunitain mo ang aking pagkapighati at aking damdam; at ipatawad mo ang lahat kong mga kasalanan. |
| 19 | Masdan mo ang aking mga kaaway, sapagka't sila'y marami; at pinagtataniman nila ako ng mabagsik na pagkagalit. |
| 20 | Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako: huwag nawa akong mapahiya, sapagka't nanganganlong ako sa iyo. |
| 21 | Magingat sa akin ang pagtatapat at katuwiran, sapagka't hinihintay kita. |
| 22 | Tubusin mo ang Israel, Oh Dios, mula sa lahat na kaniyang kabagabagan. |