| 1 | Dinggin ninyo ito, ninyong lahat na mga bayan; pakinggan ninyo, ninyong lahat na nananahan sa daigdig: |
| 2 | Ng mababa at gayon din ng mataas, ng mayaman at ng dukha na magkasama. |
| 3 | Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan; at ang pagbubulay ng aking puso ay magiging sa pagunawa. |
| 4 | Ikikiling ko ang aking panig sa talinghaga: ibubuka ko ang aking malabong sabi sa alpa. |
| 5 | Bakit ako matatakot sa mga kaarawan ng kasamaan, pagka kinukulong ako ng kasamaan sa aking mga sakong? |
| 6 | Silang nagsisitiwala sa kanilang kayamanan, at nangaghahambog sa karamihan ng kanilang mga kayamanan; |
| 7 | Wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan sa kaniyang kapatid, ni magbibigay man sa Dios ng pangtubos sa kaniya: |
| 8 | (Sapagka't ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay mahal, at ito'y naglilikat magpakailan man:) |
| 9 | Upang siya'y mabuhay na lagi, upang siya'y huwag makakita ng kabulukan. |
| 10 | Sapagka't nakikita niya na ang mga pantas ay nangamamatay, ang mangmang at gayon din ang hangal ay nililipol, at iniiwanan ang kanilang kayamanan sa mga iba. |
| 11 | Ang kanilang pagiisip sa loob ay, na ang kanilang mga bahay ay mananatili magpakailan man, at ang kanilang mga tahanang dako ay sa lahat ng sali't saling lahi; tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan. |
| 12 | Nguni't ang tao'y hindi lalagi sa karangalan: siya'y gaya ng mga hayop na nangamamatay. |
| 13 | Itong kanilang lakad ay kanilang kamangmangan: gayon ma'y pagkatapos nila ay sinasangayunan ng mga tao ang kanilang mga kasabihan. (Selah) |
| 14 | Sila'y nangatakda sa Sheol na parang kawan; kamatayan ay magiging pastor sa kanila: at ang matuwid ay magtataglay ng kapangyarihan sa kanila sa kinaumagahan; at ang kanilang kagandahan ay mapapasa Sheol upang matunaw, upang mawalan ng tahanan. |
| 15 | Nguni't tutubusin ng Dios ang aking kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol: sapagka't tatanggapin niya ako. (Selah) |
| 16 | Huwag kang matakot pagka may yumaman. Pagka ang kaluwalhatian ng kaniyang bahay ay lumago: |
| 17 | Sapagka't pagka siya'y namatay ay wala siyang dadalhin; ang kaniyang kaluwalhatian ay hindi bababang susunod sa kaniya. |
| 18 | Bagaman habang siya'y nabuhay ay kaniyang pinagpala ang kaniyang kaluluwa, (at pinupuri ka ng mga tao pagka gumagawa ka ng mabuti sa iyong sarili), |
| 19 | Siya'y paroroon sa lahi ng kaniyang mga magulang; hindi sila makakakita kailan man ng liwanag. |
| 20 | Taong nasa karangalan, at hindi nakakaunawa, ay gaya ng mga hayop na namamatay. |