| 1 | Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon, pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay. |
| 2 | Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko; sapagka't sa iyo'y dumadalangin ako. |
| 3 | Oh Panginoon, sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako. |
| 4 | Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo. |
| 5 | Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin: iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan. |
| 6 | Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan: kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya, |
| 7 | Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay; sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo. |
| 8 | Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; patagin mo ang iyong daan sa harapan ko. |
| 9 | Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig; ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan; ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan; sila'y nanganunuya ng kanilang dila. |
| 10 | Bigyan mong sala sila, Oh Dios; ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo: palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang; Sapagka't sila'y nanganghimagsik laban sa iyo, |
| 11 | Nguni't iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo, pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka't iyong ipinagsasanggalang sila: mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan. |
| 12 | Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid; Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap na gaya ng isang kalasag. |