| 1 | Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios; at huwag kang magkubli sa aking pananaing. |
| 2 | Pakinggan mo ako, at iyong sagutin ako: ako'y walang katiwasayan sa aking pagdaramdam, at ako'y dumadaing; |
| 3 | Dahil sa tinig ng kaaway, dahil sa pagpighati ng masama; sapagka't sila'y naghagis ng kasamaan sa akin, at sa galit ay inuusig nila ako. |
| 4 | Ang aking puso ay nagdaramdam na mainam sa loob ko: at ang mga kakilabutan ng kamatayan ay nahulog sa akin. |
| 5 | Katakutan at panginginig ay dumating sa akin, at tinakpan ako ng kakilabutan. |
| 6 | At aking sinabi, Oh kung ako'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati! Lilipad nga ako, at magpapahinga. |
| 7 | Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo, ako'y titigil sa ilang. (Selah) |
| 8 | Ako'y magmamadaling sisilong mula sa malakas na hangin at bagyo. |
| 9 | Ipahamak mo, Oh Panginoon, at guluhin mo ang kanilang wika: sapagka't ako'y nakakita ng pangdadahas at pagaaway sa bayan. |
| 10 | Araw at gabi ay nagsisiligid sila sa mga kuta niyaon: kasamaan man at kahirapan ay nangasa gitna rin niyaon. |
| 11 | Kasamaan ay nasa gitna niyaon; ang pagpighati at pagdaraya ay hindi humihiwalay sa kaniyang mga lansangan. |
| 12 | Sapagka't hindi kaaway ang dumuwahagi sa akin; akin nga sanang nabata: ni hindi rin ang nagtatanim sa akin ang nagmamalaki laban sa akin; nagtago nga sana ako sa kaniya: |
| 13 | Kundi ikaw, lalake na kagaya ko, aking kasama at aking kaibigang matalik. |
| 14 | Tayo ay maligayang nagpapayuhang magkasama, tayo'y lumalakad na magkaakbay sa bahay ng Dios. |
| 15 | Dumating nawang bigla sa kanila ang kamatayan, mababa nawa silang buhay sa Sheol: sapagka't kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila. |
| 16 | Tungkol sa akin, ay tatawag ako sa Dios; at ililigtas ako ng Panginoon. |
| 17 | Sa hapon at sa umaga, at sa katanghaliang tapat, ako'y dadaing at hihibik: at kaniyang didinggin ang aking tinig. |
| 18 | Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa kapayapaan mula sa pagbabaka laban sa akin: Sapagka't sila'y marami na nakikipaglaban sa akin. |
| 19 | Didinggin ng Dios, at paghihigantihan sila, siyang tumatahan ng una. (Selah) |
| 20 | Kaniyang iniunat ang kaniyang mga kamay laban sa gayon na nasa kapayapaan sa kaniya: kaniyang nilapastangan ang kaniyang tipan. |
| 21 | Ang kaniyang bibig ay malambot na parang mantekilya: nguni't ang kaniyang puso ay pakikidigma: ang kaniyang mga salita ay lalong mabanayad kay sa langis, gayon ma'y mga bunot na tabak. |
| 22 | Ilagay mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan ka: hindi niya titiising makilos kailan man ang matuwid. |
| 23 | Nguni't ikaw, Oh Dios, ibababa mo sila sa hukay ng kapahamakan: mga mabagsik at magdarayang tao ay hindi darating sa kalahati ng kanilang mga kaarawan; nguni't titiwala ako sa iyo. |