| 1 | Dinggin mo ang aking daing, Oh Dios; pakinggan mo ang aking dalangin. |
| 2 | Mula sa wakas ng lupa ay tatawag ako sa iyo, pagka nanglupaypay ang aking puso: patnubayan mo ako sa malaking bato na lalong mataas kay sa akin. |
| 3 | Sapagka't ikaw ay naging aking kanlungan, matibay na moog sa kaaway. |
| 4 | Ako'y tatahan sa iyong tabernakulo magpakailan man: ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak. (Selah) |
| 5 | Sapagka't dininig mo, Oh Dios, ang aking mga panata: ibinigay mo ang mana sa nangatatakot sa iyong pangalan. |
| 6 | Iyong pahahabain ang buhay ng hari: Ang kaniyang mga taon ay magiging parang malaong panahon. |
| 7 | Siya'y tatahan sa harap ng Dios magpakailan man: Oh maghanda ka ng kagandahang-loob at katotohanan, upang mapalagi siya. |
| 8 | Sa gayo'y aawit ako ng pagpuri sa iyong pangalan magpakailan man. Upang maisagawa ko araw-araw ang aking mga panata. |