| 1 | Iligtas mo ako, Oh Dios; sapagka't ang tubig ay tumabon sa aking kaluluwa. |
| 2 | Ako'y lumulubog sa malalim na burak na walang tayuan: ako'y lumulubog sa malalim na tubig, na tinatabunan ako ng agos. |
| 3 | Ako'y hapo sa aking daing; ang lalamunan ko'y tuyo: ang mga mata ko'y nangangalumata habang hinihintay ko ang aking Dios. |
| 4 | Silang nangagtatanim sa akin ng walang anomang kadahilanan ay higit kay sa mga buhok ng aking ulo: silang ibig maghiwalay sa akin, na mga kaaway kong may kamalian, ay mga makapangyarihan: akin ngang isinauli ang hindi ko kinuha. |
| 5 | Oh Dios, kilala mo ang kamangmangan ko; at ang mga kasalanan ko'y hindi lihim sa iyo. |
| 6 | Huwag mangapahiya dahil sa akin ang nangaghihintay sa iyo, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo: huwag mangalagay sa kasiraang puri dahil sa akin ang nagsisihanap sa iyo, Oh Dios ng Israel. |
| 7 | Sapagka't dahil sa iyo ay nagdala ako ng kadustaan; kahihiyan ay tumakip sa aking mukha. |
| 8 | Ako'y naging iba sa aking mga kapatid, at taga ibang lupa sa mga anak ng aking ina. |
| 9 | Sapagka't napuspos ako ng sikap sa iyong bahay; at ang mga pagduwahagi nila na nagsisiduwahagi sa iyo ay nangahulog sa akin. |
| 10 | Pag umiiyak ako at pinarurusahan ko ng pagaayuno ang aking kaluluwa, yao'y pagkaduwahagi sa akin. |
| 11 | Nang magsuot ako ng kayong magaspang, ay naging kawikaan ako sa kanila. |
| 12 | Pinag-uusapan ako nilang nangauupo sa pintuang-bayan; at ako ang awit ng mga lango. |
| 13 | Nguni't tungkol sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, Oh Panginoon, sa isang kalugodlugod na panahon: Oh Dios, sa karamihan ng iyong kagandahang-loob, |
| 14 | Iligtas mo ako sa burak, at huwag mo akong ilubog: maligtas ako sa kanila na nangagtatanim sa akin, at sa malalim na tubig. |
| 15 | Huwag akong tangayin ng baha, ni lamunin man ako ng kalaliman: at huwag takpan ng hukay ang kaniyang bunganga sa akin. |
| 16 | Sagutin mo ako, Oh Panginoon; sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti: ayon sa karamihan ng iyong mga malumanay na kaawaan ay bumalik ka sa akin. |
| 17 | At huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod; sapagka't ako'y nasa kahirapan; sagutin mo akong madali. |
| 18 | Lumapit ka sa aking kaluluwa, at tubusin mo: Iligtas mo ako dahil sa aking mga kaaway. |
| 19 | Talastas mo ang aking kadustaan, at ang aking kahihiyan, at ang aking kasiraang puri: ang aking mga kaaway, ay pawang nangasa harap mo. |
| 20 | Kaduwahagihan ay sumira ng aking puso; at ako'y lipos ng kabigatan ng loob: at ako'y naghintay na may maawa sa akin, nguni't wala; at mga mangaaliw, nguni't wala akong masumpungan. |
| 21 | Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom. |
| 22 | Maging lalang sa harap nila ang kanilang dulang; at maging isang silo kung sila'y nasa kapayapaan. |
| 23 | Manglabo ang kanilang mga mata, na sila'y huwag makakita; at papanginigin mong palagi ang kanilang mga balakang. |
| 24 | Ibugso mo ang iyong galit sa kanila, at datnan sila ng kabangisan ng iyong galit. |
| 25 | Magiba ang tahanan nila; walang tumahan sa kanilang mga tolda. |
| 26 | Sapagka't kanilang hinabol siya na iyong sinaktan, at sinaysay nila ang damdam niyaong iyong sinugatan. |
| 27 | At dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan: at huwag silang masok sa iyong katuwiran. |
| 28 | Mapawi sila sa aklat ng buhay, at huwag masulat na kasama ng matuwid. |
| 29 | Nguni't ako'y dukha at mapanglaw: sa pamamagitan ng pagliligtas mo, Oh Dios, ay iahon mo nawa ako. |
| 30 | Aking pupurihin ng awit ang pangalan ng Dios, at dadakilain ko siya ng pasalamat. |
| 31 | At kalulugdan ng Panginoon na higit kay sa isang baka, o sa toro na may mga sungay at mga paa. |
| 32 | Nakita ng mga maamo, at nangatuwa: mabuhay ang puso, ninyong nagsisihanap sa Dios. |
| 33 | Sapagka't dinidinig ng Panginoon ang mapagkailangan, at hindi hinahamak ang kaniyang mga bilanggo. |
| 34 | Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat, at ng bawa't bagay na gumagalaw roon. |
| 35 | Sapagka't ililigtas ng Dios ang Sion, at itatayo ang mga bayan ng Juda; at sila'y magsisitahan doon, at tatangkilikin nila na pinakaari. |
| 36 | Mamanahin naman ng binhi ng kaniyang mga lingkod; at silang nagsisiibig ng kaniyang pangalan ay magsisitahan doon. |