1 | Maigi ang isang tuyong subo at may katahimikan, kay sa bahay na may laging pistahan na may kaalitan. |
2 | Ang lingkod na gumagawang may kapantasan ay nagpupuno sa anak na nakahihiya, at siya'y makakabahagi sa mana ng magkakapatid. |
3 | Ang dalisayan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto: nguni't sinusubok ng Panginoon ang mga puso. |
4 | Ang manggagawa ng kasamaan ay nakikinig sa masasamang labi; at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila. |
5 | Sinomang tumutuya sa dukha ay dumudusta sa Maylalang sa kaniya: at ang natutuwa sa kasakunaan ay walang pagsalang parurusahan. |
6 | Ang mga anak ng mga anak ay putong ng mga matatandang tao; at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang kanilang mga magulang. |
7 | Ang marilag na pananalita ay hindi nagiging mabuti sa mangmang: lalo na ang magdarayang mga labi, sa isang pangulo. |
8 | Ang suhol ay parang mahalagang bato sa mga mata ng nagtatamo: saan man pumihit ay gumiginhawa. |
9 | Ang nagtatakip ng pagsalangsang ay humahanap ng pagibig: nguni't ang nagdadadaldal tungkol sa anoman ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik. |
10 | Ang saway ay nanasok na taimtim sa isang naguunawa, kay sa isang daang hampas sa mangmang. |
11 | Ang hinahanap lamang ng masamang tao ay panghihimagsik; kaya't isang mabagsik na sugo ay susuguin laban sa kaniya. |
12 | Masalubong ang tao ng oso na nanakawan ng kaniyang mga anak, maigi kay sa mangmang sa kaniyang kamangmangan. |
13 | Sinomang gumaganti ng kasamaan sa mabuti, kasamaan ay hindi hihiwalay sa kaniyang bahay. |
14 | Ang pasimula ng pagkakaalit ay gaya ng pagbuga ng tubig: kaya't iwan ninyo ang pagtatalo, bago maginit sa pagkakaalit. |
15 | Siya na umaaring ganap sa masama, at siya na nagpaparusa sa matuwid, kapuwa sila kasuklamsuklam sa Panginoon. |
16 | Bakit may halaga sa kamay ng mangmang upang ibili ng karunungan, gayong wala siyang pagkaunawa? |
17 | Ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan. |
18 | Ang taong walang unawa ay nakikikamay, at nagiging mananagot sa harapan ng kaniyang kapuwa. |
19 | Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa pagkakaalit: ang nagtataas ng kaniyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan. |
20 | Siyang may magdarayang puso ay hindi nakakasumpong ng mabuti: at siyang may suwail na dila ay nahuhulog sa karalitaan. |
21 | Ang nanganganak ng mangmang ay sa kaniyang kapanglawan: at ang ama ng mangmang ay walang kagalakan. |
22 | Ang masayang puso ay mabuting kagamutan: nguni't ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto. |
23 | Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa sinapupunan, upang ipahamak ang daan ng kahatulan. |
24 | Karunungan ay nasa harap ng mukha ng naguunawa: nguni't ang mga mata ng mangmang ay nasa mga wakas ng lupa. |
25 | Ang mangmang na anak ay hirap sa kaniyang ama, at kapaitan sa nanganak sa kaniya. |
26 | Parusahan naman ang matuwid ay hindi mabuti, ni saktan man ang mahal na tao dahil sa kanilang katuwiran. |
27 | Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman: at siyang may diwang malamig ay taong naguunawa. |
28 | Ang mangmang man, pagka siya'y tumatahimik, ay nabibilang na pantas: pagka kaniyang tinitikom ang kaniyang mga labi, ay inaari siyang mabait. |