| 1 | Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos; |
| 2 | Na anopa't iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa; |
| 3 | Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa; |
| 4 | Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago. |
| 5 | Kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios. |
| 6 | Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan: |
| 7 | Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat; |
| 8 | Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal. |
| 9 | Kung magkagayo'y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa't mabuting landas. |
| 10 | Sapagka't karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa; |
| 11 | Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo: |
| 12 | Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay; |
| 13 | Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman; |
| 14 | Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan, |
| 15 | Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas: |
| 16 | Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga'y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita; |
| 17 | Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios: |
| 18 | Sapagka't ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay: |
| 19 | Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay: |
| 20 | Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid. |
| 21 | Sapagka't ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon. |
| 22 | Nguni't ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot. |