| 1 | Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya; at ang ilang ay magagalak, at mamumulaklak na gaya ng rosa. |
| 2 | Mamumulaklak ng sagana, at magagalak ng kagalakan at awitan; ang kaluwalhatian ng Libano ay mapaparoon, ang karilagan ng Carmel at ng Saron: kanilang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, ang karilagan ng ating Dios. |
| 3 | Inyong palakasin ang mga mahinang kamay, at patatagin ang mga mahinang tuhod. |
| 4 | Inyong sabihin sa kanila na matatakuting puso, Kayo'y mangagpakatapang, huwag kayong mangatakot: narito, ang inyong Dios ay pariritong may panghihiganti, may kagantihan ng Dios; siya'y paririto at ililigtas kayo. |
| 5 | Kung magkagayo'y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. |
| 6 | Kung magkagayo'y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit: sapagka't sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa ilang. |
| 7 | At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig; sa tahanan ng mga chakal, na kanilang hinihiligan, magkakaroon ng damo pati ng mga tambo at mga yantok. |
| 8 | At magkakaroon doon ng isang lansangan, at ng isang daan, at tatawagin Ang daan ng kabanalan; ang marumi ay hindi daraan doon; kundi magiging sa kaniyang bayan: ang mga palalakad na tao, oo, maging ang mga mangmang, ay hindi mangaliligaw roon. |
| 9 | Hindi magkakaroon ng leon doon, o sasampa man doon ang anomang mabangis na hayop, hindi mangasusumpungan doon; kundi ang nangatubos ay lalakad doon. |
| 10 | At ang pinagtutubos ng Panginoon ay mangagbabalik, at magsisiparoong nagaawitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan, at ang kapanglawan at ang pagbubuntong-hininga ay mapaparam. |