| 1 | Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao; |
| 2 | Ang mga hari at ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan; upang tayo'y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan. |
| 3 | Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; |
| 4 | Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan. |
| 5 | Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus, |
| 6 | Na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan; |
| 7 | Na dito'y itinalaga ako na tagapangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan. |
| 8 | Ibig ko ngang ang mga tao'y magsipanalangin sa bawa't dako, na iunat ang mga kamay na banal, na walang galit at pakikipagtalo. |
| 9 | Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga; |
| 10 | Kundi (siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa. |
| 11 | Ang babae'y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop. |
| 12 | Nguni't hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik. |
| 13 | Sapagka't si Adam ay siyang unang nilalang, saka si Eva; |
| 14 | At si Adam ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagsalangsang; |
| 15 | Nguni't ililigtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y magsisipamalagi sa pananampalataya at pagibig at sa pagpapakabanal na may hinahon. |